Naniniwala ang mga pamilya ng umano’y biktima ng extrajudicial killings (EJK) na hindi kikilalanin ng International Criminal Court (ICC) ang panukalang house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang posibleng paglilitis sa kasong crimes against humanity sa Setyembre 23.
Ayon kay Atty. Maria Kristina Conti, assistant to counsel sa ICC at secretary general ng NUPL-NCR, walang sapat na batayang legal o medikal, ang resolusyong inihain ni Sen. Alan Peter Cayetano na humihiling na ilagay si Duterte sa house arrest.
Giit ni Conti, wala ring konkretong ebidensya tungkol sa umano’y kondisyon sa kalusugan ng dating pangulo, at puro hearsay lamang ang nakasaad sa resolusyon.
Binigyang-diin niyang hindi kikilalanin ng ICC ang ganitong hakbang na maituturing na panghihimasok sa mga proseso ng international tribunal.
Anumang hiling para sa pansamantalang paglaya ay dapat idaan sa tamang proseso sa pagitan ng prosekusyon, depensa, at mga hukom ng korte.
Tinawag ng mga pamilya ng mga biktima ang resolusyon bilang isang uri ng political posturing na layuning kumalap ng simpatya, sa halip na itaguyod ang hustisya.