Isinusulong ni Senate President Francis Escudero ang paglikha ng ₱20-bilyong trust fund upang tiyakin ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng social benefits sa mga uniformed personnel at kanilang pamilya, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa seguridad at kapayapaan ng bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 276, layunin ni Escudero na gawing permanente at institusyonal ang Comprehensive Social Benefits Program para sa mga kasapi ng AFP, PNP, CAFGU, BFP, BJMP, BuCor, at Philippine Coast Guard, kabilang ang kanilang mga dependents.
Gagamitin ang pondo para sa lump sum financial assistance sa kaso ng pagkamatay o permanenteng kapansanan habang nasa tungkulin, pati na rin sa educational assistance, pabahay, at medical o health assistance.
Giit ng senador, bagamat may mga umiiral nang benepisyo para sa mga uniformed personnel, kadalasan ay ipinatutupad lamang ang mga ito sa pamamagitan ng executive issuances na maaaring bawiin anumang oras.