Bilang bahagi ng kampanya para sa “real justice for all,” nagsampa ang Department of Justice ng 18 kaso sa Court of Tax Appeals (CTA) noong Abril 10, 2025 laban sa E.D. Buenviaje Builders, Inc. at Synergy Sales International Corporation dahil sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997, na naamyendahan noong Nobyembre 22, 2023.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR), gumamit umano ang dalawa ng pekeng kompanya, ang Buildforce Trading, Inc. at Decarich Supertrade, Inc., upang maglabas ng peke o ghost receipts at bawasan ang kanilang buwis.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang mga opisyal ng E.D. Buenviaje na sina Ernesto S.D. Buenviaje at Ruselle Anne A. Buenviaje, at ng Synergy Sales na sina Arthur See at Betty Lim See.
Tinatayang umabot sa ₱73.3 milyon ang kabuuang halaga ng buwis na hindi nabayaran.
Matatandaang noong 2022, nauna nang kinasuhan ng DOJ ang Buildforce at Decarich sa pagkakasangkot bilang ghost receipt syndicates.
Pinuri ni Justice Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagtutulungan ng DOJ at BIR, na aniya’y nagpapakita ng “Bagong Pilipinas governance” at matatag na pagpapatupad ng batas.