Inihain ni Sen. Alan Peter Cayetano ang isang resolusyon na humihiling sa pamahalaan na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) para sa pansamantalang pagpapalaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilagay ito sa “house arrest.”
Layon ng resolusyon na mailabas ang “Sense of the Senate” na humihikayat sa gobyerno na igiit ang humanitarian ground para sa dating pangulo na 80-anyos na at may lumalalang kalusugan.
Iginiit ni Cayetano na nararapat lamang na ituring si Duterte bilang inosente hangga’t wala pang pinal na desisyon mula sa korte.
Kabilang sa mungkahi ang posibilidad na ilipat si Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands, kung saan siya maaaring ilagay sa ilalim ng house arrest o anumang katumbas na kaayusan.
Posibleng isama sa mga kondisyon ang limitadong paggalaw, pananatili sa isang takdang lugar, pagbabawal sa komunikasyon sa mga biktima o saksi, at pagtugon sa anumang paanyaya ng ICC.