Maaari nang makita ng publiko ang presyo ng mga gamot sa pamamagitan ng Drug Price Watch feature ng Department of Health (DOH) sa eGovPH app.
Sa inilabas na anunsyo ng DOH, kailangan lamang mag-log in sa nasabing app; hanapin ang “NGA” o National Government Agencies option sa dashboard; i-search ang DOH; pindutin ang Drug Price Watch option; at i-type ang brand o pangalan ng gamot na hinahanap.
Makikita rin sa app ang pinakamababang presyo ng gamot at kung saang botika ito pinakamalapit na mabibili.
Ayon sa DOH, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagtangkilik sa paggamit ng generics at alinsunod sa mandato ng Universal Health Care Law na layuning magbigay ng dekalidad at abot-kayang gamot para sa lahat ng Pilipino.
Kasabay nito, muling paalala ng DOH sa publiko na mahigpit na sundin ang reseta ng doktor at tiyakin ang regular na pag-inom ng gamot upang tuluyang gumaling sa karamdaman.