Iniimbestigahan na ng Supreme Court ang mga miyembro ng Hudikatura, sa gitna ng mga alegasyon ng case fixing, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ginawa ng kalihim ang pahayag, kasunod ng bintang na isang dating hukom ang umano’y tumulong para maayos ang kaso ng negosyanteng si Atong Ang, na itinurong mastermind sa pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022.
Gayunman, nang tanungin ng mga mamamahayag si Remulla kung sino-sino ang mga iniimbestigahan, sinabi nito na “iba-iba.”
Una nang nagbabala si Remulla na posibleng maraming pera ang mastermind sa kaso ng mga nawawalang sabungero, para mapasok nito maging ang mga Korte sa Pilipinas.
Inihayag din ng Kalihim na tinalakay niya ang naturang usapin sa isang hukom ng Korte Suprema, kahapon.