Naniniwala si Sen. JV Ejercito na hindi na kailangan pang i-certify as urgent measure o isama sa priority bills ng administrasyon ang panukalang umento sa sahod ng mga minimum wage earners bago aksyunan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Sa halip, hinamon ni Ejercito ang mga mambabatas na kung talagang seryosong pagkalooban ng tulong ang mga minimum wage earners sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay agad nang aaksyunan ang mga panukalang legislated wage hike.
Sinabi ng senador na dahil naipasa na sa nakaraang Kongreso ang legislated wage hike bill ay mas makabubuting magpatawag na agad sila ng isang pagdinig at muli nang ipasa ang panukala.
Sa ganitong paraan anya ay makikitang seryoso ang mga senador at kongresista sa pagsusulong ng dagdag sahod sa mga minimum wage earners sa pribadong sektor.
Sa isinusulong na panukala ni Ejercito, nais niyang dagdagan ng ₱250 ang arawang minimum wage sa buong bansa.
Subalit bukas aniya siya sa pagtalakay kung magkano ang nararapat at balanseng dagdag sahod sa mga mangagagawa.