Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lisensya ng sampung (10) drivers ng taxi at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) bunsod ng overcharging at pangongontrata ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.
Sa statement, kahapon, sinabi ng LTO na pinadalhan na nila ng show cause notices ang mga driver na nahuli sa surprise inspection sa NAIA noong June 25.
Inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary, Atty. Vigor Mendoza II, na naipabatid na nila sa mga tsuper na suspendido ang lisensya ng mga ito sa loob ng 90-araw sa pamamagitan ng inisyu nilang show cause orders.
Sa madaling salita, aniya, hindi kailangang magtrabaho ng mga driver sa naturang panahon, dahil sa pagsasamantala sa mga pasahero.
Binigyang diin din ni Mendoza na ang mga kaso ng overcharging at pangongontrata ng mga pasahero ay maaring makasira sa imahe ng bansa sa mga dayuhang turista.