KINONTRA ni Sen Risa Hontiveros si Impeachment Court Spokesman Atty Reginald Tongol kaugnay sa pinakahuling pahayag nito kung kailan muling magko-convene ang korte.
Sa huling press briefing ni Tongol, sinabi niyang dedepende ang pag-convene sa pag-comply ng Kamara sa ikalawang order na magsumite ng certification na handa pa rin silang isulong ang impeachment proceedings sa 20th Congress.
Sinabi ni Hontiveros, malayang magsalita si Atty. Tongol ngunit hindi niya kinakatawan ang buong Senado.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang pahayag ni Tongol ay kumakatawan lamang sa posisyon ni Senate President Chiz Escudero at hindi siya kasama dito bilang isang Senator Judge.
Ipinaalala ng senador na sa Senado na isang deliberative body, ang nasusunod ay ang kagustuhan ng mas nakararami.
Iginiit ni Hontiveros na hindi tugma ang matagal na nilang sinasabi na hindi pwedeng mag-convene at gumalaw ang Impeachment Court hanggang magsimula ang 20th Congress.
Ngunit sa kabilang banda, dinidesisyunan na nila— unilaterally— o sila-sila lang ang mga panuntunan sa Impeachment Court.
Bilang respeto sa Senado, umaasa si Hontiveros na hayaan ang mga Senator-Judges na magdesisyon kapag muli silang nag-convene.