Mariing kinondena ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagpapataw ng parusa ng China laban kay dating Sen. Francis Tolentino kasunod ng pagsusulong ng mga batas na nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ipinagtanggol ni Estrada ang dating Senate Majority Leader at iginiit na lehitimo at naaayon sa batas ang hakbang ni Tolentino sa pagsusulong ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act — mga batas na may buong suporta ng Kongreso at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Binatikos din ng senador ang patuloy na panggigipit ng China sa mga Pilipinong mangingisda, maritime scientists at mga tauhan sa West Philippine Sea sa kabila ng Arbitral Ruling para sa Pilipinas.
Sinabi ni Estrada na nakakagalit at nakakabahala na ang pagtatanggol sa ating teritoryo ay tinuturing na ngayong ‘egregious conduct kasabay ng paggiit na dapat mahiya ang China.
Nanawagan siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatawag si Chinese Ambassador Huang Xilian upang ipaliwanag ang aniya’y di-makatarungang hakbang at upang iparating ang matinding pagkadismaya ng pamahalaan.
Tanong pa ng senador kung isasama ba ng China sa parusa ang Pangulo ng bansa na siyang lumagda sa nasabing mga batas.