dzme1530.ph

Ilan pang senador, nagsusulong muli ng mga panukalang dagdag sahod sa minimum wage earners

Loading

Ilan pang senador ang naghain ng panukala para madagdagan ang sahod ng mga minimum wage earners sa pribadong sektor.

Bukod kay Sen. Joel Villanueva, isinusulong din ni Sen. Loren Legarda ang panukalang magtatakda ng living wage sa halip na minimum wage lamang.

Binigyang-diin ni Legarda na ang living wage ay makatarungan at disenteng pasahod na dapat makatutugon sa pangunahing pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa na kinabibilangan ng wastong pagkain, damit, tirahan, healthcare at edukasyon ng mga anak.

Iginiit ng senador na panahon nang repasuhin ang pamantayan at batayan ng sweldo at benepisyo ng mga manggagawa dahil taong 1989 pa nang isabatas ang labor code at hindi na akma sa sitwasyon ngayon.

Naghain naman ng hiwalay na panukala si Sen. Robin Padilla na nagsusulong ng dagdag ₱150 sa daily minimum wage habang sa panukala ni Sen. Christopher “Bong” Go ay dagdag na ₱100 ang isinusulong.

Sa hiwalay namang panukala ni Sen. Imee Marcos, gagawing pantay-pantay ang minimum wage sa buong bansa at gagamiting batayan ang ibinibigay sa National Capital Region.

Nakatakda rin namang maghain ng panukalang dagdag sahod sina Senators Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito.

About The Author