dzme1530.ph

Pag-regulate sa paggamit ng kabataan ng social media, isinusulong sa Senado

Loading

Isinusulong din ni Sen. Panfilo Lacson ang panukalang iregulate ang paggamit ng kabataan ng social media platforms upang protektahan sila sa masamang epekto ng overexposure sa social media.

Sa kanyang panukala, tinukoy ni Lacson ang mga pag-aaral na nag-uugnay ng sobrang paggamit ng social media sa posibleng mental health problems, pagkabalisa, depresyon at social isolation.

Iniulat din aniya ng Council for the Welfare of Children na isa sa bawat tatlong bata sa Pilipinas na edad 0 hanggang 18 ang gumagamit ng internet.

Ayon naman sa National ICT Household Survey, 60% ng kabataan na may edad 10 hanggang 17 ay may internet access at aktibong gumagamit ng social media.

Sinabi ni Lacson na ang ibang bansa tulad ng Australia ay nagkaroon na ng polisiya para iregulate ang access ng mga menor de edad sa social media at online platforms.

Sa panukala, pagbabawalan ang mga menor de edad sa paggamit ng social media services.

Ang mga social media platforms ay magkakaroon ng “reasonable steps” at “age verification measures” para dito.

Kabilang sa mga obligasyon ng social media platforms ang magkaroon ng paraan para matiyak ang edad at pagkakilanlan ng gagamit nito, tulad ng ID verification, facial recognition, at ibang identity authentication systems; regular audit ng user account data; at pagresponde sa age-restricted users sa platform.

About The Author