Iminungkahi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na gawing anim na taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Sa mungkahi ni Pimentel, saklaw na ng panukala ang mga naihalal noong 2023.
Ayon kay Pimentel, layunin ng mungkahing ito na maiwasang magsabay ang susunod na barangay elections sa 2028 presidential elections.
Una nang inaprubahan sa Kamara ang panukalang nagpapalawig ng termino ng mga barangay at SK officials sa anim na taon habang sa Senado, apat na taon lamang ang inaprubahan.
Sa bicameral conference committee, kung saan pag-uusapan at pag-iisahin ang magkaibang bersyon ng panukala, sinabi ni Pimentel na isusulong niya ang anim na taong termino simula 2023, upang maisagawa ang susunod na halalan sa 2029.
Idinagdag pa ng senador na ang mas mahabang termino ay magbibigay ng sapat na oras sa mga opisyal ng barangay upang maipatupad ang kanilang mga programa, mapanatili ang tuloy-tuloy na pamamahala, at mabigyan ng pahinga ang mga botante mula sa sunod-sunod na eleksyon.
Binanggit din ni Pimentel na makatutulong ang kanyang panukala upang maputol ang paulit-ulit na pagkaantala ng barangay elections at magkaroon ng mas malinaw at tiyak na iskedyul para sa mga lokal na halalan.