Nakabuo na ang pamahalaan ng limang initial interventions upang gumaan ang pasanin ng mga commuter at motorista, kaugnay ng napipintong malawakang rehabilitasyon sa EDSA.
Ayon kay Transportation Sec. Vince Dizon, kabilang sa interventions ang libreng toll sa bahagi ng Skyway Stage 3, simula sa Hulyo o Agosto.
Sa press conference, sinabi ni Dizon na ipatutupad ito sa segment kung saan ide-detour ang mga sasakyan, at hindi na kailangang dumaan sa EDSA dahil aakyat na lang ang mga ito sa Skyway.
Magde-deploy din aniya ang DOTr ng 100 karagdagang mga bus sa EDSA Busway upang hikayatin ang publiko na mag-commute, sa halip na sumakay ng private vehicles.
Magdaragdag din ang MRT-3 ng mga bagon upang itaas ang kapasidad ng tren na tumatakbo sa kahabaan ng EDSA.
Samantala, magpapatupad naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 24-hour odd-even scheme na limitado lamang sa EDSA.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, na bawal sa EDSA ang mga sasakyang nagtatapos ang plaka sa 1, 3, 5, 7, 9 tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes.
Habang ang 0, 2, 4, 6, at 8 naman ay bawal tuwing Martes, Huwebes, at Sabado, subalit kapag Linggo ay libreng dumaan sa EDSA ang lahat ng sasakyan.
Naniniwala ang MMDA na sa pamamagitan ng naturang plano ay mababawasan ng 40% ang mga sasakyan sa EDSA habang isinasagawa ang reconstruction.
Pansamantala ring ipagbabawal ang pagpasok sa EDSA ng provincial bus, truck, at iba pang mabibigat na mga sasakyan, simula 5:00a.m. hanggang 10:00p.m..