Tiwala si Sen. Nancy Binay na hindi na mapapalitan si Senate President Francis Escudero sa nalalabing mga araw ng 19th Congress.
Sinabi ni Binay na wala siyang nakikitang indikasyon na nais ng mga kasamahan nila na magpalit pa ng Senate President hanggang bago magbukas ang 20th Congress.
Wala aniya silang pag-uusap at wala ring ugong ng pagsusulong ng bagong Senate President sa pagbabalik sesyon sa June 2.
Ipinaliwanag ni Binay na kadalasang nagaganap ang palitan ng lider kapag nagbubukas ang panibagong Kongreso dahil may mga pumapasok na bagong senador.
Samantala, naniniwala si Binay na kung makakabalik si senator-elect Tito Sotto bilang Senate President, posibleng maitalagang muli si senator-elect Ping Lacson bilang pinuno ng Senate Committee on Accounts.
Posible aniyang ang dalawang senador na nanguna sa pagtatayo ng bagong senate building ang tatapos sa konstruksyon ng gusali at kasama sa mangunguna sa pag-okupa nito.