Kung uupo si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa bicameral conference committee meeting sa budget, dapat tiyaking magsisilbi lamang siyang observer.
Ito ang binigyang-diin ni senator-elect Panfilo Lacson bilang suporta sa sinasabing kahandaan ng Pangulo na umupo sa bicam meeting sa pagtalakay sa panukalang 2026 budget.
Sinabi ni Lacson na hindi maaaring maging aktibong makikilahok sa deliberasyon ng budget sa bicam ang Punong Ehekutibo.
Kapag aniya aktibong nakilahok sa bicam ang pangulo maaari itong hindi maintindihan at isipin na panghihimasok sa matagal ng iginagalang na paggamit ng lehislatura ng kanilang power of the purse.
Ayon kay Lacson, kung magsisilbing observer ang Pangulo, magiging maganda ito dahil maghahatid ito ng malakas na signal sa mga miyembro ng Kongreso na huwag balewalain at libakin ang kanilang papel sa budget process.
Gayundin hindi dapat itrato ng mga mambabatas ang panukalang pambansang budget bilang individual prerogatives.
Dapat aniyang nakapaloob sa panukala ang policy direction ng administrasyon na naglalayong matamo ang development goal para sa taong 2026 at sa mga susunod pang taon.