Nangako si Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go na kanyang tututukan ang pondo para sa Philippine General Hospital (PGH) upang mas lalong matulungan at mapagsilbihan ang mga mahihirap na kababayan na nangangailangan ng tulong medikal.
Ipinaalala ni Go na sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay palaging prayoridad ang PGH na pinaglalaanan ng ₱100-M.
Sinabi ng senador na sa ngayon malapit ng matapos ang watchers hall o halfway house para sa mga kasama o nagbabantay sa mga pasyente sa PGH na kanyang isinulong noon bilang Vice Chair ng Committee on Finance.
Ayon kay Go, nakikita niya ang kaawa-awang kalagayan ng watchers ng mga pasyente na sa gilid lang ng PGH nakaupo at nakahiga habang inaantay ang pagtawag sa kanila para sa kanilang mga pasyente na nasa loob ng pagamutan.
Tama lamang aniyang bigyan sila ng komportableng pagpahingahan tulad ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao (City), at watchers hall o halfway house para sa mga nagbabantay ng pasyente.