Tiwala ang mga senador na mas maisasaayos na ang paghubog sa kabataan sa unang taon pa lamang ng kanilang buhay matapos na tuluyang maisabatas ang Republic Act No. 12199 o ang Early Childhood Care and Development System Act.
Sinabi ni Sen. Loren Legarda, Commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), dapat simulan sa tamang nutrisyon at wastong pangangalaga at de kalidad na maagang edukasyon ang tunay na reporma sa edukasyon at pantay-pantay na oportunidad para sa lahat.
Iginiit naman ni Sen. Alan Peter Cayetano, co-chair ng EDCOM II, ang pinakamataas na return on investment ay ang early childhood dahil sa pamamagitan ng pagsisikap na maibigay ang pangangailangan ng isang bata sa mga unang taon, ay pinatitibay na ang pundasyon ng kinabukasan ng kabataan at tiyak na susundan ito ng pag-unlad ng bansa.
Sa ilalim ng batas ay ibababa ang child mortality, lilinangin ang lahat ng aspeto ng pag-unlad ng batang Pilipino edad 0 hanggang walo, ihahanda sila para sa pormal na edukasyon, at bibigyan ng maagang intervention ang mga batang may special needs.
Itinatakda rin ng batas na ang mga lokal na pamahalaan ang magiging pangunahing tagapagpatupad ng mga serbisyo ng ECCD, kabilang ang pagtatatag ng ECCD offices sa bawat lalawigan, lungsod, at bayan.
Titiyakin din na ang bawat Child Development Center ay mayroong hindi bababa sa isang Child Development Teacher at isang Child Development Worker kasama na rin ang sapat at kwalipikadong kawani, pasilidad, at angkop na mga kagamitan.