Iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahaaan na dapat nang tutukan ang pagpapatupad ng mga hakbangin para maibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, matapos maging abala sa halalan.
Sinabi ni Gatchalian, ngayong humupa na ang election fever, marami sa mga mahihirap na komunidad ang umaasa sa pagpapatuloy ng proyektong ₱20 kada kilo na bentahan ng bigas.
Binigyang-diin ng senador na hindi lang dapat presyo ng bigas ang maibaba kundi dapat ay sunod ding tiyakin ng gobyerno ang abot-kayang presyo ng basic goods para sa kaginhawaan ng mga mahihirap na kababayan.
Naniniwala naman ang senador na ang murang pagkain ay susi sa matatag na food security at magandang kalidad ng buhay ng mga nabibilang sa low-income families.
Umaasa si Gatchalian na ang proyektong ₱20 kada kilo ng bigas ay makagagaan sa mga mahihirap upang matustusan ang iba pang pangangailangan sa pang-araw araw na buhay.