Tiniyak ng Commission on Elections na hindi maaantala ang pagkakaloob ng honoraria sa mga guro na nagsilbing poll workers nitong nakalipas na halalan.
Sa press briefing, sinabi ni Comelec Spokesman Atty. Rex Laudiangco na katunayan ay nag-umpisa na silang mamahagi ng honoraria partikular sa mga maagang nakatapos sa kanilang tungkulin bilang miyembro ng Electoral Board.
Alinsunod anya sa Election Service Reform Act o Republic Act 10756, kailangang maipagkaloob sa mga guro ang kanilang mga honoraria sa loob ng 15 araw matapos magserbisyo sa halalan.
Kaugnay nito, nanawagan si Laudiangco sa mga guro na agad magreport sa kanilang mga election officers na silang magbibigay ng kanilang honoraria.
Inamin ng opisyal na noong Election 2022 at 2023, natagalan ang pamamahagi ng honoraria dahil ilan sa mga guro ang hindi agad nagreport sa election officer.
Ipinaliwanag din ni Laudiangco na cash ang ipinamamahaging honoraria dahil nang tangkain nilang idaan ito sa ATM ay nagkaroon ng problema sa mga lugar na walang ATM at ang iba ay nagkaroon pa ng pagbabawas sa pagwi-withdraw sa ATM.
Ipinagpapasalamat naman ng Comelec ang ulat ng Teachers Dignity Coalition na walang guro ang nakaranas ng harassment at nanganib nitong nakalipas na eleksyon.