Posibleng sa pagbabalik pa ng sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2 magpatawag ng all-senators’ caucus si Senate President Francis “Chiz” Escudero upang talakayin ang nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang paniniwala ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa pagsasabing busy ang ilang mga reelectionist senators sa pangangampanya kaya malabo na magsagawa sila ng meeting.
Kahit anya magpatawag si Escudero ng caucus higit sa kalahati ng mga senador ang hindi makadadalo dahil panahon ng pangangampanya para sa midterm elections.
Una nang humiling ang minority bloc kay Escudero ng all-senators’ caucus upang pag-usapan ang mga plano sa nakaambang paglilitis laban kay Duterte.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi niya dini-delay o ipinagsasawalang-bahala ang pagsasagawa ng impeachment trial laban kay VP Sara.
Ang nais lamang ng senate leader ay gawin ang paglilitis alinsunod sa batas at pamamaraan upang maiwasan ang mas maraming pagkaantala sa hinaharap.