Iginiit ni Sen. JV Ejercito na hindi dapat ipasagot sa PUV drivers ang bayad sa drug test dahil makadaragdag pasanin ito sa kanila.
Sa gitna ito ng ipatutupad ng Department of Transportation na mandatory drug testing kada 90-araw sa mga PUV driver bilang paraan para maibsan ang sunud-sunod na vehicular accident.
Sinabi ni Ejercito na dapat pag-aralan ding mabuti kung paano ito mahahanapan ng pondo, kung kakayanin, ay bigyan ito ng subsidiya ng gobyerno.
Kung masimulan aniya ito dapat tignan kung marami talaga ang magpopositibo sa drug test o kung kaunti lamang at saka na lang magdesisyon kung dapat bang ituloy pa o itigil na ang mandatory drug testing para sa mga tsuper.
Una rito sinabi ni dating Senate President Tito Sotto III na kaya niya isinulong noon na ipinatigil ang mandatory drug test sa mga kumukuha ng lisensya ay dahil lumitaw na pinagkakakitaan lamang ito.