Ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na mangyayari muli ang malalagim na aksidente sa kalsada.
Kasabay nito ay inatasan ng Pangulo ang concerned agencies na magpatupad ng kinakailangang mga reporma upang maiwasan ang pagkalagas ng mga buhay.
Sa isang video message ay ipinaabot ni Pangulong Marcos ang taos-pusong pakikiramay sa lahat ng pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa mga nasugatan sa trahedya sa SCTEX Toll Plaza at NAIA Terminal 1.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na inatasan na niya si Transportation Secretary Vince Dizon na kumilos ng may katiyakan, at tukuyin at papanagutin ang mga responsable sa mga aksidente.
Kabilang aniya sa mga dapat ipatupad ay ang pagrerebyu sa pag-iisyu ng driver’s license upang matiyak na fit, capable, at responsableng mga indibidwal ang mapagkakalooban nito.
Gayundin ang nationwide audit ng bus operators na may malinaw na parusa para sa mga mabibigong tumalima sa safety at maintenance standards.