Iginiit ni Sen. Grace Poe ang pangangailangang magsagawa ng malawakang konsultasyon sa plano ng Department of Transportation na isalang sa mandatory drug testing ang mga driver ng public utility vehicles kada 90-araw.
Ito aniya ay bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa kaligtasan sa kalsada.
Bukod sa malawakang konsultasyon, nananawagan din si Poe sa DOTr na suriin muna at tiyaking may sapat na pondo para sa naturang hakbangin.
Mahalaga aniyang tanong ay kung sino ang sasagot sa gastusin sa drug testing upang hindi rin maging dagdag pasanin sa mga driver.
Ayon kay Poe, ang panukalang drug testing kada 90-araw ay isang hakbang tungo sa mas ligtas na lansangan.
Nanawagan din siya sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga terminal upang matiyak ang kondisyon ng mga sasakyan at kahandaan ng mga tsuper.
Dapat aniyang balansehin ang kaligtasan ng publiko at ang kapakanan ng mga tsuper upang makamit ang isang patas at epektibong sistema sa kalsada.