DAPAT iparamdam ng gobyerno sa mga manggagawa ang pag-unlad ng ekonomiya.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Loren Legarda sa kanya Labor Day’s message kasabay ng paggiit na dapat maramdaman sa hapag ng bawat manggagawang Pilipino na nasa bansa o kahit mga nasa ibayong dagat.
Sinabi ni Legarda na hindi lamang matatag kundi malikhain, maparaan at walang kapaguran ang pagsusumikap ng ating mga manggagawa para matiyak ang magandang kinabukasan na pangunahing dahilan ng pag-unlad ng bansa.
Idinagdag ng senador na bawat manggagawa ay nararapat mabigyan ng pagkakataon upang hindi lang kumita kundi mamuhay na may dignidad, may proteksyon sa karapatan at umunlad.
Una nang inihain ni Legarda ang Senate Bill 2662 o ang living wage bill na layung itaguyod ang living wage at hindi lamang minimum wage,.
Suportado rin ng senador ang mga batas para sa mga manggagawa tulad ng Philippine Green Jobs Act (RA 10771), Philippine Creative Industries Development Act (RA 11904), JobStart Philippines Act (RA 10869), at First Time Jobseekers Assistance Act (RA 11261).
Kasama rin sa sinusuportahan ni Legarda ang mga batas para sa mga negosyante tulad ng Magna Carta for MSMEs (RA 9501), Philippine Innovation Act (RA 11293), Microfinance NGOs Act (RA 10693), Go Negosyo Act (RA 10644), Barangay Livelihood and Skills Training Act (RA 9509), One Town, One Product Philippines Act (RA 11960) at Tatak Pinoy Act (RA 11981).