dzme1530.ph

Mga Pilipino, dapat bigyan ng makatarungang sahod at maayos na pabahay, ayon sa Alyansa Senatorial bets

Loading

ISUSULONG ni Alyansa senatorial bet at dating Senador Manny Pacquiao ang 200 daily wage increase sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

 

Layun nitong matulungan ang mga pamilyang Pilipino na makaagapay sa patuloy na pagtaas ng gastusin.

 

Binigyang-diin ng dating senador na ang panukalang 200 na dagdag sahod ay unang hakbang lamang sa isang mas malawak na plataporma upang tuldukan ang agwat sa pagitan ng paglago ng ekonomiya at kalidad ng buhay ng mga manggagawa.

 

Bukod sa dagdag na pasahod, nangako si Pacquiao na maghahain at susuporta ng mga batas na magtatatag ng mga wage board sa antas ng probinsya upang masalamin ang aktwal na kalagayang pang-ekonomiya sa mga rehiyon.

 

Panukala niya ring  magtakda ng regular na cost-of-living adjustments, at magbibigay ng insentibo sa maliliit na negosyo na sumusunod sa makatarungang pasahod.

 

Iminungkahi rin ni Pacquiao ang pagbibigay ng tax breaks at access sa pautang para sa mga micro at small enterprises na nagbibigay ng sahod na mas mataas sa minimum at may maayos na benepisyo para sa mga empleyado.

 

Samantala, target ni Alyansa senatorial bet at dating DILG Secretary Benhur Abalos na palalawakin sa buong bansa ang housing program na ginawa nila sa Mandaluyong.

 

Ayon kay Abalos, naging epektibo ang programang pabahay ng Mandaluyong dahil sa abot-kayang hulugan at mababang interest rate na hindi pabigat sa mga pamilyang mababa ang kita.

 

Binigyang-diin ni Abalos na ang susi sa matagumpay na programang pabahay ay ang abot-kayang bayarin para sa karaniwang Pilipino.

About The Author