NAPAPANAHON at makahulugan na ang pagpapatupad ng wage increase sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ito ang iginiit ni Senador Grace Poe kasabay ng pagsasabing kung anu-ano nang paghihigpit ng sinturon ang ginagawa ng mga Pilipino upang mapagkasya ang kinikita para sa lahat ng gastusin ng pamilya.
Kaya naman napapanahon anyang bigyan ang mga manggagawa ng panahong huminga at maramdaman ang bunga ng kanilang pagsisikap.
Patuloy anya silang nagsusulong ng mga panukala para sa kapakanan ng mga manggagawa at proteksyon sa kanilang mga karapatan.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga employer na gumawa ng mga hakbangin upang mabigyan ng dagdag na allowances at benepisyo ang kanilang mga empleyado.
Hindi rin anya dapat kalimutan ang mga manggagawa sa informal sector kaya’t isinulong nila ang proposed magna Carta of Workers in the Informal Economy.
Sila anya ang malaking bahagi ng labor force at mahalagang parte ng domestic economy.
Bilang itinuturing anyang backbone ng ekonomiya, nararapat na bigyan ng disenteng living wage ang mga manggagawa at kanilang pamilya.