IBINUNYAG ni Senador Imee Marcos na marami na rin ang nababahala sa posibleng protest vote na isasagawa sa May midterm elections bunsod ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Marcos na marami siyang nakakausap mula sa Visayas at Mindanao na labis na nagdadamdam kasabay ng paalala na hindi ugali ng Pilipino ang mang-api ng matanda na at maysakit.
Hindi naman masabi ng senadora kung posible siyang tamaan ng protest vote at maging ang mga senatorial bet ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Marcos pa rin anya ang kanyang apelyido kaya’t kaliwa’t kanan pa ang kanyang tama sa eleksyong ito.
Kasabay nito, inilabas ng chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations ang ilan nilang konklusyon sa imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng senadora na malinaw na politically motivated at group effort ang ginawang pag-aresto sa dating Pangulo.
Kasabay nito, hihilingin ng kumite sa Ombudsman na imbestigahan ang ilang opisyal na may malaking papel na ginampanan sa pag-aresto ay dating Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga pinaiimbestigahan at pinakakasuhan ay sina Justice Sec. Jesus Crispin Boying Remulla; DILG Sec. Juanito Victor “Jonvic” Remulla; PNP Chief General Rommel Francisco Marbil; CIDG Director Nicolas Torre III at Amb. Marcus Lacanilao.
Lumabag umano ang mga ito sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices ACT dahil sa invalid na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte gayundin ang Grave Misconduct, Usurpation of Official Function at Perjury.
May impormasyon din ang senadora na sa halip na sina Senador Ronald Bato dela Rosa at ilan pang pulis ang iisyuhan ng warrant of arrest ay uunahing target na arestuhin si Vice President Sara Duterte.