HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga apektadong local government units na tiyakin ang kaligtasan ng mga batang apektado ng pagputok ng bulkan.
Sinabi ni Gatchalian na tuwing may nagaganap na sakuna, ang mga bata ang kadalasang lubos na naaapektuhan.
Bukod sa pagkaantala ng kanilang pagpasok sa paaralan, sila rin ay nakararanas ng matinding psychological trauma o stress.
Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga ligtas at child-friendly na mga espasyo para sa mga kabataang kailangang ilikas.
Kailangan din aniyang tiyaking may sapat na pagkain, tubig, gamot, sanitary at hygiene kits para sa mga bata.
Idinagdag pa ni Gatchalian na mahalagang matiyak ding nagpapatuloy ang edukasyon at makapaghatid ng psychological first aid para sa mga apektadong bata.