NUTRISYON ng kabataan ang isa sa pangunahing nais tutukan ni Alyansa senatorial bet at dating DILG Secretary Benhur Abalos sa sandaling mahalal sa Senado.
Ayon kay Abalos, isa sa pinakamabigat na suliranin ng bansa ay ang stunting — o ang pagkaantala ng tamang paglaki at pag-unlad ng utak ng mga bata dahil sa kakulangan sa nutrisyon.
Batay anya sa datos noong taong 2000, isa sa bawat tatlong batang Pilipino ay stunted; ngayong 2025, bagama’t bumaba na, isa pa rin sa bawat apat na bata ang nakakaranas nito.
Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan noong siya ay alkalde ng Mandaluyong, kung saan inilunsad nila ang Millennium Baby Project.
Sa programang ito, inalagaan ang mga buntis sa tamang nutrisyon, itinaguyod ang breastfeeding, at sinigurong may tamang pagkain ang mga sanggol sa kanilang unang 1000 araw — ang pinaka-kritikal na panahon para sa pagbuo ng utak ng bata.
Ayon kay Abalos, kung mabibigyan ng tamang suporta ang nutrisyon ng mga bata mula sa kanilang pagkasilang, tiyak na lalakas din ang sistema ng edukasyon ng bansa.
Iminungkahi niya na gamitin ang pondo ng mga lokal na pamahalaan o ang suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) para masigurong matutukan ang kalusugan ng mga bata.