KINUMPIRMA ng National Security Council na may mga indikasyon na may mga aktibidad na ginagawa ngayon ang China sa Pilipinas na nakakaapekto sa eleksyon sa Mayo.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zone, sinabi ni NSC Assistant Director Jonathan Malaya na may mga nakikita silang indikasyon na may Chinese-state sponsored information operations upang maimpluwensyahan ang eleksyon.
Sagot ito sa tanong ni Senate Majority Leader Francis Tolentino kung may mga operasyon ang China upang suportahan ang mga kandidatong nais nilang manalo at kontrahin ang mga kandidatong hindi nila gusto.
Inihalimbawa ni Malaya ang sangkaterbang naratibo na lumalabas sa mga social media na nagmumula sa Beijing na pinalalakas naman ng 3rd party proxies na nakabase sa Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni Malaya ang mga impormasyon sa social media laban sa ipinasang mga batas kaugnay sa ating maritime zone.
Ipinaliwanag ni Malaya na matapos aprubahan ang mga batas ay agad nagpalabas ng pagkondena ang Beijing na agad sinakyan ng mga influencer sa social media kung saan inilarawan parang pagiging ‘idiot’ ang pagpapasa ng mga batas na ito.
Lumutang ang impormasyon sa gitna ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing espionage activities ng China sa bansa at pagkakasabat ng mga drones sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.