Sinampahan ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang apat na vloggers dahil sa pag-manipula ng video interviews ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay NBI Criminal Intelligence Division Senior Agent Raymond Macorol, nagkakalat ang mga vlogger ng mga video interview ng government officials, na i–nisplice at pinapalitan ng ibang konteksto.
Aniya, inasunto nila ang apat na vloggers ng unlawful use of publication, violation of the anti-alias law, at inciting to sedition.
Sinabi ni Macorol na minanipula ng vloggers ang isang video ni NBI Director Jaime Santiago, para palabasin na aarestuhin ang mga overseas Filipino worker na nagpapalakat ng fake news kaugnay sa pagpapadala ng remittances.
Tumanggi naman ang NBI official na pangalanan ang vloggers na mula aniya sa Saudi Arabia, Canada, at New Zealand habang ang isa pa na galing sa United Kingdom ay kasalukuyang nagbabakasyon sa Bohol.