Malinaw na kunektado sa impeachment proceedings ang endorsement ni Vice President Sara Duterte sa ilang senatoriables ayon kay La Union Rep. Paolo Ortega V.
Ito’y kabaliktaran sa naunang pahayag ng bise presidente na hindi ito mag-iindorso ng senatorial bet dahil nais nitong taumbayan ang mamili ng tamang kandidato.
Malinaw ayon kay Ortega na ‘political strategy’ ito ni VP Sara upang makatiyak ng suporta sa sandaling umusad na ang paglilitis sa impeachment court hanggang sa magbotohan.
Kung estratehiya ito ng bise presidente, pangamba naman ang nararamdaman ni Ortega dahil sa sandaling manalo ang mga inendorso, tiyak na maiimpluwensyahan nito ang pasya ng senator judges.
Sa ngayon, dalawa na ang inendorso ni VP Duterte mula sa administration slate, kabilang si Sen. Imee Marcos at si Deputy Speaker Camille Villar, bukod pa diyan ang sampung PDP-Laban bets.