Hindi isinasantabi ng Philippine National Police ang posibilidad na may kaugnayan ang nangyaring pangingidnap sa mga Chinese national sa pagsasara ng mga POGO hub sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Jean Fajardo, iisa ang paraan sa pagpatay ng grupo sa kanilang dudukuting biktima kung saan itinatali at binabalot ng duct tape ang mukha.
Isa sa kanilang grupong tinitignan ang “muscle group” na dati nang tinukoy ng PAOCC na nasa likod ng mga pagdukot sa ilang Chinese noong nakaraang taon.
Bukod sa ‘muscle group’ mayroon pa aniya silang tinitignang grupo na kinabibilangan ng ilang Filipino citizens na may kasamang Chinese nationals at ibang lahi.
Sa tala ng PNP, mayroon nang 13 kaso ng kidnapping ngayong 2025 kung saan walo rito ay mga Chinese national.
Habang noong 2024 naman ay mayroong 33 kaso ang naitala na karamihan ay mga Chinese national ang biktima.
Taong 2023, nang maiulat naman sa 26 ang kaso ng kidnapping.
Saad ni Fajardo, bagamat mataas na ang bilang ng kidnapping ngayong taon, tiniyak nito na ginagawa ng pambansang pulisya ang lahat upang masawata ang mga grupo o indibidwal na nasa likod ng sunod sunod na kidnapping sa bansa.