Iniimbestigahan ng PNP kung may koneksyon sa POGO ang pagdukot at pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que.
Si Que na kilala rin bilang Anson Tan, at driver nitong si Armanie Pabillo ay huling nakitang buhay noong March 29 nang lisanin nila ang opisina ng negosyante sa Valenzuela City.
Noong Martes ay narekober ng mga awtoridad ang kulay itim na luxury van ni Que sa Barangay Bahay Toro, sa Quezon City.
Kahapon naman ay natagpuan ang bangkay ng dalawa na nakagapos patalikod ang mga kamay at isinilid sa nylon bags, sa madamong bahagi ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa isang reliable source, nagbayad umano ang pamilya ng ransom sa mga kidnapper na umabot sa P100-M subalit tinuluyan pa ring patayin ang mga biktima.
Sinabi ng PNP na hindi ordinaryo ang kaso dahil karaniwang pinakakawalan ng kidnappers ang kanilang mga biktima kapag nagbayad na ng ransom.
Sa kabila rin nang nasa steel production ang negosyo ni Que ay pinag-aaralan ng mga awtoridad ang posibilidad na konektado ang pagdukot sa POGO.