dzme1530.ph

Sen. Marcos, hinimok na tigilan ang paggamit sa Senado para sa pansariling interes

Loading

Pinatitigil ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Sen. Imee Marcos na gamitin ang Senado para sa kanyang sariling political ojectives.

Ginawa ni Escudero ang panawagan sa gitna ng kanyang paliwanag sa pagpapalaya kay Ambassador Markus Lacanilao na una nang pinatawan ng contempt ni Marcos at inatasan madetine sa Senado.

Ayon kay Escudero, malinaw sa Rules of the Senate na ang kapangyarihan ng isang kumite upang magpataw ng contempt at mag-utos ng pag-aresto ay kailangang may approval ng Senate President.

Ito anya ay mahalagang pananggalang upang mapanatili ang makatuwirang paggamit ng kapangyarihan ng Senado at maprotektahan ang karapatan ng lahat.

Pinabulaanan din ng senate leader ang alegasyong tinanggihan niya ang contempt order laban kay Lacanilao sa halip ay pinuna ang pagyayabang ni Marcos sa media ng contempt order nang hindi pa niya idinadaan sa approval ng senate president.

Maituturing aniya itong kawalan ng due process tulad ng concurring opinion ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa Ong case, na nagsasabing ang mga resource person na inaakusahang nagbibigay ng maling testimonya sa Kongreso ay dapat sumailalim sa mas istriktong proseso.

Dahil dito, agad niyang iniutos ang pagpapalaya sa ambassador matapos ang ilang oras ng di-awtorisadong pagkakakulong nito subalit inisyuhan niya ito ng show cause order upang ipaliwanag sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat icontempt.

Tiniyak ni Escudero na hindi niya hahayaang magamit ang Senado o ang Office of the Senate President para sa pansariling interes lalo na para sa reelection bid ng sinuman para sa May midterm elections.

Sinang-ayunan naman niya si Marcos na ang kaganapang ito ay magdudulot ng bad precedent sa Senado sa pagsasabing delikadong payagan ang sinumang senador na baluktutin ang sarili nilang batas para sa personal na kapakinabangan.

Iginiit ni Escudero na kapag hindi sinunod ang due process at institutional integrity ng Senado kapalit ng media mileage o political ambition, dito nalalagay sa alanganin ang kredibilidad ng Senado.

Sa huli, nanawagan si Escudero kay Marcos na gamitin ang kanyang pangalan, posisyon at impluwensya para sa pagkakaisa at hindi sa pagkakahati-hati pa ng bansa.

About The Author