Kasabay ng paggunita sa Araw ng Kagitingan, hinimok ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga Pilipino na patuloy lamang na ipakita ang tapang at malasakit sa gitna ng mga hamon ng makabagong panahon.
Sinabi ni Escudero na mahalagang okasyon ang araw ngayon upang pasalamatan ang mga bayani ng nakalipas na panahon sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang halimbawa.
Mula aniya sa paggawa ng mga maliliit na kabutihan hanggang sa mga dakilang layunin para sa bayan, dapat magkaisa ang mamamayan at ipagmalaki ang pagiging Pilipino.
Iginiit pa ni Escudero na sa araw na ito ay dapat magbalik-tanaw at magpugay sa mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay upang ipaglaban ang kalayaan at karangalan ng bansa.
Pag-alala din aniya ito ng mga aral ng kasaysayan na ang kalayaan ay hindi madaling nakakamtan at ito’y pinagbabayaran ng pawis, dugo, at buhay.