Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay sila ng legal assistance sa 20 Filipino crew ng M/V Lunita na kinumpiska ng South Korean authorities dahil sa kargang dalawang tonelada ng hinihinalang cocaine.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na sa susunod na dalawang araw ay magkakaroon sila ng sariling mga abogado para maging bahagi ng legal team ng mga tripulanteng Pinoy.
Aniya, mahalagang maibigay ang assistance habang ongoing ang imbestigasyon sa Norwegian-flagged cargo vessel na mayroong Filipino crew nang maharang ng Korea Coast Guard at Korea Customs Service sa Port of Okgye, sa Gangwon Province noong April 2.
Ayon sa report, natagpuan ang kontrabando sa engine room ng barko.
Idinagdag ni Cacdac na mahigpit din silang nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs upang matiyak ang iba pang mga kinakailangang tulong.
Una nang nagbigay ang J.J. Ugland Companies, na siyang nangangasiwa sa M/V Lunita, ng abogado sa mga apektadong tripulante.