dzme1530.ph

Panibagong pambubully ng CCG vessel sa Panatag Shoal, kinondena

Loading

Kinondena ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang panibagong insidente ng pambubully ng Chinese Coast Guard laban sa Philippine Coast Guard.

Tinukoy ni Tolentino ang reckless at dangerous maneuvers na isinagawa ng Chinese Coast Guard vessel laban sa Philippine Coast Guard (PCG) ship na BRP Cabra, malapit sa Panatag o Scarborough Shoal, kahapon.

Sinabi ni Tolentino na hindi lamang ito naglagay sa panganib sa buhay ng ating maritime personnel kundi maituturing din na paglabag sa international law at soberanya ng bansa.

Ipinaalala ng senador na ang Panatag Shoal ay pasok sa ating exclusive economic zone, batay sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration at sa ilalim ng Philippine Maritime Zones Act.

Habang patuloy naman aniya ang China sa pambabalewala sa ating maritime peace and stability, hinimok ni Tolentino ang international partners na papanagutin ang China sa paglabag sa batas.

Ang presensya rin aniya ng Chinese research ship nalapit sa Batanes at nakakabahala at kailangan ng kaukulang aksyon dahil pagpapakita ito ng patuloy na pagiging agresibo ng China sa pinagtatalunang teritoryo.

Kaya naman, suportado ni Tolentino ang planong isama ang Batanes sa Balikatan Exercises ng Pilipinas at Estados Unidos bilang mensahe na hindi magpapatinag ang bansa at ipaglalaban ang ating soberanya.

About The Author