ALYANSA all the way.
Ito na ang naging bagong sigaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa muling pagtuntong sa entablado kasama ang senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas matapos ang pagkalas ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos sa koalisyon.
Mula ito sa kanyang dating panawagan na 12-0 upang matiyak anya na maisusulong ang mga nalalabi pa niyang programa katuwang ang mga kaalyado sa Senado.
Sa pagharap ng Pangulo sa Antipolo City, Rizal, sinalubong siya ng malakas na hiyawan ng BBM kung saan siya natuwa at sinabing ang buong akala niya ay hindi na niya muli maririnig ang sigawang ito.
Pabirong paalala pa ng Pangulo na hindi siya ang kandidato dahil baka siya anya ang maiboto ng tao.
Samantala, iginiit ni Alyansa Campaign Manager at Cong. Toby Tiangco na tuloy-tuloy lang ang kanilang kampanya at hindi magpapaapekto sa pagkalas ni Senador Imee.
Sinabi ni Tiangco na hindi nagbabago ang direksyon at enerhiya ng koalisyon sa mga aktibidad upang ipaalam sa taumbayan ang adbokasiya, kakayahan at kapabilidad ng 11 nilang kandidato.