HINIKAYAT ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate at dating DILG Secretary Benhur Abalos ang publiko na maingat na suriin ang mga kwalipikasyon, rekord, at integridad ng mga kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.
Binigyang-diin ni Abalos na ang magiging resulta ng pambansa at lokal na halalan ay may malaking epekto sa kinabukasan ng bansa, lalo na ang mga tumatakbo para sa pambansang posisyon tulad ng Senado na may mahalagang papel sa paggawa ng mga batas at pagtutulak ng mga polisiya para sa bansa.
Sinabi ni Abalos na importante ang kakayahan at mahusay na pamamahala sa pagsasabing ang epektibong pamamahala at maayos na pagpapatupad ng mga polisiya ay mahalaga rin para sa pag-unlad ng bansa.
Samantala, iginiit ni dating Senador Panfilo Lacson na hindi dapat mawalan ng pagasa ang publiko na masasawata ang katiwalian sa bansa subalit dapat ding magkaisa at kumilos para labanan ito.
Sinabi ni Lacson na mabuting simula sa aksyon laban sa katiwalian ang pagboto ng tamang kandidato ngayong Mayo.
Babala ni Lacson, kung hindi mapigilan ang korapsyon, darating ang araw na hindi na kayang bayaran ng Pilipinas ang utang nito, na sa katapusan ng Pebrero 2025 ay umabot na sa P16.63 trilyon.