Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang tulong para sa tatlong Pilipino na ikinulong sa China bunsod ng umano’y paniniktik.
Sa statement, sinabi ni DFA Spokesperson Teresita Daza na pormal nang ipinabatid sa kanila ang alegasyon laban sa tatlong Pinoy.
Binigyang diin ni Daza na ang pagprotekta sa karapatan at interest ng mga Pinoy ang pangunahing prayoridad ng gobyerno ng Pilipinas.
Idinagdag ng opisyal na tinutulungan na ng Philippine Consulate General sa Guangzhou ang tatlong Pinoy, kabilang na ang pagbibigay ng kaukulang legal support.
Ipinaabot na rin ng DFA sa Chinese government na ang naturang alegasyon ay dapat dumaan sa due process nang may pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino, alinsunod sa domestic law, pati na sa Philippines-China Consular Agreement.