Binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa posibleng malakas na lindol sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, dapat magsilbing babala ang naganap na lindol sa Myanmar at Thailand upang hindi maging kampante ang Pilipinas sa harap ng banta ng “Big One,” lalo na’t nasa Pacific Ring of Fire ang bansa.
Binigyang-diin ng senador ang mahalagang papel ng mga LGU bilang frontliners sa pagtugon sa sakuna.
Kailangan aniyang may maayos na mga itinalagang evacuation area, sapat na emergency response teams, at mga kagamitang pangrescue at medikal, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Iginiit ng mambabatas na importante na may kakayahan, mga gamit, at pondo ang mga LGU para rumesponde sa mga kalamidad.
Sinabi rin ni Gatchalian na hindi lang ito responsibilidad ng gobyerno kundi dapat handa at may alam ang sambayanan para agad makakilos sa panahon ng pangangailangan.