Pinatitiyak ni Sen. Risa Hontiveros sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration na mabibigyan ng naaangkop na psychosocial intervention ang mahigit 200 Pinoy na nailigtas sa scam farms sa Myanmar.
Bukod dito, dapat din anyang tiyakin na makakapasok sila sa reintegration program ng pamahalaan.
Sa pahayag ng mga biktima ng trafficking, inilarawan nilang mala-impyerno ang pinagdaanan nilang hirap sa scam farms.
Nabatid na may mga biktima na pinagsamantalahan, may buntis na nakaranas ng pambubugbog at kinuryente pa habang ang ilan ay hindi pinakain at nakaranas ng iba’t ibang klase ng pangtotorture.
Una nang lumitaw sa pagdinig sa Senado na naengganyo ang mga Pinoy na magtrabaho sa Thailand at Cambodia subalit mula doon ay ipinuslit sila patungong scam farm sa Myanmar.
Sa datos, narepatriate na ang may 206 na Pinoy habang mayroon pang 50 kailangang iligtas.
Dismayado si Hontiveros na bagama’t banned na sa bansa ang mga POGO na nagtayo ng scam hubs ay tuloy-tuloy ang recruitment sa Pinoy workers.
Kaya naman nanawagan ang senadora sa publiko na maging maingat at mapanuri sa ads na nag-aalok ng trabaho.