Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na mas buo pa rin ang tiwala niya kay National Security Adviser Eduardo Año kumpara sa iba pang miyembro ng gabinete kaugnay sa isyu ng sinasabing pagpaplano sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni dela Rosa na mas may bigat para sa kanya ang paliwanag ni Año, at pinili niyang magtiwala rito batay sa kanilang matagal nang samahan at pagkakakilala bilang kapwa alumni ng Philippine Military Academy na nasa puso at isipan ang courage, integrity at loyalty.
Hindi man direktang pinangalanan, tinutukoy ni dela Rosa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla bilang hindi kapani-paniwalang opisyal.
Si Remulla ang unang nagsiwalat na kabilang umano siya, si Año, at Defense Secretary Gilbert Teodoro sa isang “core group” na nagplano at nagsagawa ng umano’y pag-aresto kay Duterte.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa magkakasalungat na pahayag ng mga opisyal ng gabinete hinggil sa sinasabing koordinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sa posibleng pagdakip sa dating pangulo.
Habang inihayag ni Remulla na pawang tsismis lamang ang isyu, sinabi ni Año na hindi kailanman naging bahagi ng kanyang tungkulin ang pag-aresto kay Duterte.
Ayon kay dela Rosa, sapat na ang paliwanag ni Año para maniwala siyang walang kinalaman ang dating AFP Chief of Staff sa anomang planong aresto.