Inilabas na ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos ang initial findings sa ginawang pagdinig kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court.
Sa press briefing, tatlong initial findings ang inilabas ni Marcos.
Una na rito walang legal obligation ang Pilipinas na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi red notice kundi diffusion notice lamang ang inilabas ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Hindi rin aniya maaaring ipatupad ang International Humanitarian Law bilang customary law dahil hindi naman sangkot ang dating Pangulo sa war crimes.
Ikalawang findings, malinaw aniyang nagdesisyon na ang gobyerno ng Pilipinas na tumulong sa ICC sa pag-aresto sa dating Pangulo bukod pa sa nakitang pinagplanuhan ang pagdakip sa ilalim ng Oplan Tugis.
At, ikatlong findings ng kumite, malinaw ang paglabag sa mga karapatan ng dating Pangulo partikular ang probisyon sa konstitusyon na nagpoprotekta sa ating kalayaan bukod sa hindi rin nasunog ang due process.
Tinukoy pa ng senadora na hindi kinilala ang karapatan ng dating Pangulo na mabisita o makausap ng immediate family member.
Hindi rin aniya binigay sa dating punong ehekutibo ang kanyang karapatan na madala sa judicial authorities ng bansa bukod pa sa ipinagkait sa kanya ang right to apply for interim release sa ilalim ng Rome Statute.