Pinapayuhan ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega ang publiko na huwag maniwala sa job offers sa Thailand ng walang work permit at work visa, upang hindi mabiktima ng human trafficking.
Aniya mas magandang dumaan sa licensed recruitment agency sa ilalim ng Department of Migrant Workers.
Ayon kay de Vega, karamihan sa mga biktimang Pinoy ay iniulat na nakatanggap ng maliit o walang suweldo, at sumailalim sa pisikal at sikolohikal na pang-aabuso.
Kung kaya’t pinag-iingat din ang mga Pinoy sa mga inaalok na trabaho lalo na sa social media.
Hinihimok ang lahat ng prospective overseas job applicants na suriin ang opisyal na website ng DMW para sa verification tungkol sa pagkakaroon ng mga job order status ng agencies.
Ito’y upang matiyak na ang taong kausap o ka-deal ay konektado sa mga lisensyadong ahensya.
Sinabi naman ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na ang mga hindi pinalad o magsisiuwing Pinoy mula abroad ay tatanggap ng agarang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang tulong pinansyal at livelihood assistance mula sa DSWD; at skills training voucher mula sa TESDA.
Bukod pa ang psychosocial evaluation at assessment services mula sa DOH at DSWD.