Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang mag-umpisa ang kampanya, hindi na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kapatid na si Sen. Imee Marcos sa kanilang campaign rally sa lalawigan ng Cavite.
Bukod kay Imee, absent din sa campaign rally si Las Piñas Rep. Camille Villar subalit ang presidential sister lamang ang hindi nabigyan ng espasyo ng Pangulo sa kanyang endorsement speech.
Kahapon ay nagsabi ang senadora na naiilang na siyang sumama sa sorties ng Alyansa matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa campaign rally sa Tacloban City, Leyte na kilalang balwarte ng mga Marcos at Romualdez ay hindi rin sumipot si Sen. Imee at nagsabing hinahanap pa niya ang sagot sa mga katanungan niya kaugnay sa pagdakip sa dating Punong Ehekutibo.
Sa kabila ng hindi niya pagtungo sa Tacloban ay ikinampanya pa rin siya ng kanyang kapatid subalit sa Cavite ay kapansin-pansing hindi na binanggit ang kanyang pangalan.
Sa text message, sinabi naman ni Sen. Imee na ayos lamang sa kanya ang aksyon ng kapatid lalo’t sinabi na niyang tututukan muna niya ang pagsisiyasat sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.