Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na nagsimula nang magsumite ng talaan ng kanilang kailangang budget, supplies, equipment at iba pang items ang mga tanggapan ng Senado para sa isasagawang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng ipinalabas niyang advisory na pinayuhan ang mga tanggapan sa Senado na abisuhan ang Administrative and Financial Services kung may mga pangangailangan sila para sa pagdaraos ng impeachment trial laban sa bise president.
Ayon kay Bantug, pinaalalahanan niya ang mga senate office na dapat ang hihingin nila ay specific at ekslusibong gagamitin sa impeachment.
Kailangan anya na ang mga irerequest ng mga senate office ay mga item na wala sa kasalukuyang inventory nila tulad ng robe, access IDs, oath book at iba pa.
Kasabay nito, tiniyak ni Bantug na handa na siya sa pagiging clerk of impeachment court na inamin niyang mabigat na tungkulin pero malaking tulong aniya na mayroon na siyang kaalaman at karanasan pagdating sa impeachment trial.
Sinabi ni Bantug na nagkaroon na siya ng karanasan noon sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona dahil tumulong siya noon kay dating Senate Secretary Emma Reyes at sa office of the Senate president.