Magpapadala ang Comelec ng notice of removal sa 34 na party-list groups na patuloy na lumalabag sa guidelines sa tamang paglalagay ng campaign paraphernalia.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na magsisilbi itong regular practice ng Komisyon para punahin ang mga kandidato na lumalabag sa election laws.
Aniya, karamihan sa mga paglabag ay sukat ng campaign posters at paggamit ng mga materyales na hindi environment friendly.
Inihayag ni Garcia na araw-araw silang maglalabas ng notice, para alisin ng mga kandidato ang lumabag na campaign materials sa loob ng 3-araw.
Idinagdag ng Poll chief na kung hindi ito aalisin ay sasampahan nila ng disqualification cases ang mga kandidato.